Wika Ng Aking Mga Manok / Demons And Angels
Unang una, maraming salamat sa mga nag-reblog at nag-like sa aking pinost tungkol sa mga iba’t ibang manok na nakain ko. Malaking karangalan sa aking bahagi ang masama sa Tumblr Radar. Salamat talaga. :) Hindi ko inaakalang magiging sikat pala siya na doodle ko lang nung isang araw sa aking kwaderno. At sa mga hindi nakakaalam, meron nga talagang Barbecue Chicken ang McDo! Kabatch nito yung Rice Burgers nila. Ang saklap lang ngayon kahit i-google mo, wala kang makikitang article, blog, o larawan tungkol dito. Hayyyy.
Sige. Eto na. Seryoso na ulit.
Anong bawal. Anong pwede. Anong nakakasama. Anong nakakabuti. Batas. Parusa. Matagal ko na ring pinag-iisipan kung saan nga ba talaga nanggagaling ang konsepto ng kabutihan at kasamaan.
Saan nga ba? Nung meron bang cavemen nung sinaunang panahon, alam na nila na masama pumatay ng kapwa tao? Na manggahasa ng babae? Na pumatay ng hayop na ngayo’y extinct species na? Hindi naman. Bakit nga ba masama? Alam na ba nila kung ano yung masama?
Eto yung theory ko eh. Alam niyo naman ang theory ng multiverse diba? Sorry kung medyo sci-fi ‘to hehehe. Ang teyorya ay ang universe natin ay isang universe lang, at marami pang universe gaya ng atin pero naiiba sa iilang aspeto. Pero ito kaya. Kung sa atin ay ang mabuti ay ang pagiging mabait sa kapwa, etc. Maging marupok ang buhay, payak, simple, maging magalang. Ganon. Paano kaya, kung ang naging mabuti ang hindi mabuti satin?
Paano kaya kung ang pagkakaroon ng mabuting ugali, pagiging magalang, simple, mabait, ang masama? Paano kung mas okay sa mundo na magpatayan ang mga tao? Na bumomba ng kung anu-anong bansa? Na magnakaw sa kapit-bahay mo? “Grabe ‘di ko ata keri yung ganong mundo.” Pero eto yung tanong. Paano nga, kung yun yung tama?
Malamang natatakot tayo kasi nakabaon na sa isipan natin na hindi dapat ginagawa ang mga ganon. Hindi rin ako pabor dito, kasi dahil tulad sa mga libo-libong nakakaintindi sa lenguaheng ito, lumaki ako sa isang Kristiyanong paaralan. Malamang pabor ako sa mga moral ethics diba?
Pero, kung tutuusin mo, posible siya eh. Parang sa komiks o sa mga pelikula. Paano kung nagtagumpay yung kontrabida at sinakop nga niya ang buong mundo? Lahat tayo susunod sa isang tao. Sasambahin natin siya. Lahat ng gagawin natin ay dapat aayon sa kanya. Mabubuhay tayo ng walang magagawa sa gobyerno, kasi, ano nga naman magagawa natin diba? Mamamayan lang naman ako. Sibilyan lang naman ako. Paki ko sa pamahalaan diba? Basta okay ang lahat. Basta may sistema. Ayos lang. Rumebelde? Mamatay ka rin. Wag na lang. Sumunod ka na lang. Langgam ka lang, at siya, siya yung dambuhalang paang aapak sayo pag hindi ka magpa-uto.
Teka.
Parang narinig ko na ‘to ah.