Gabay Pag-ibig Mula Sa Isang Hangal
Teka muna. Single ka. Anong alam mo sa pag-ibig?
Ano nga ba?
Naniniwala ako na kung hindi mo pa nararamdaman, wala kang karapatang pag-usapan ‘to. Pero meron.
Iniisip niyong pag-ibig parati’y pag-ibig ng boyfriend o girlfriend mo. Naranasan ko nang magmahal ng iba, at makaranas tumanggap ng pag-ibig mula sa iba. Hindi pag-ibig shota, pero pag-ibig pa rin.
Eto lang ang alam ko.
Single ako dahil gusto ko. Mayroon naman na ‘kong ninanais sanang maging girlfriend, pero ayoko ba. Bakit? Simple lang. Hindi pa ‘ko handa. Gusto ko pag may honeybebs na ‘ko mabibigay ko sa kanya ang buong mundo. Gusto ko wala akong tinatago sa kanya. Gusto ko kilala ko na siya, mula sa bilang ng buhok niya sa ulo hanggang sa bilang ng tibok ng puso niya sa isang araw.
Hindi ba ‘ko naiinggit sa mga meron? Bakit naman? Madalas yung mga kakilala kong may girlfriend na nag-aaway. Madalas rin, hindi sila nagtagal. Ilang buwan lang. Naging sweet sila sa simula, pero tumagal nawala rin eh. Kung baga para silang nagsugal. Naubusan na ng itataya.
Masaya ako ngayon sa pagiging single. Bakit ko naman kailangan ikahiya ‘to? Kung namatay si shota, kung nagbreak kayo, anong tawag sayo? Single. Kung hindi mo kayang maging ganito, sa sandaling trip ng nobiya mong putulin ang fairy tale niyo, dedz ka tsong.
Kaya ngayon ako’y naghihintay. Gusto sigurado. Eksakto. Walang kupas. Kung siya na, gusto ko siya na talaga. Wala nang iba. Nobody. Nobody. But you, kung sino ka man.
Wala naman akong atraso sa mga may relationship ngayon. Sa totoo nga nakakatuwa nga naman sila panoorin. Naghahawakan ng kamay, naglalandian, nagbibiruan. Nakakasakit ng ngipin. Ang sweet eh.
Ayoko lang nakakakita ng mga couple na nagbbreak, lalo na kung may kabit yung isa sa kanila o sa kung ano pa mang dahilan. Nakakalungkot. Masklap lalo pag kilala mo silang dalawa, kung kaibigan ka nila. Kanino ka kakampi? Pag kinampihan mo si Boy magagalit si Girl. Pagkinampihan mo si Girl magagalit si Guy. Bros before hoes pero hindi naman hoe si Girl eh.
Kaya ito ay isang basbas ng swerte sa inyong mga magshota. Isang basbas mula sa gago, na sana maging masaya kayong dalawa habang buhay. Oo. Habang buhay. Akala mo boyfriend/girlfriend lang siya?
Tsong humanda ka na rin sa posibilidad na siya yung asawa mo, na siya yung makakabuntis sayo, o na siya ang magiging magulang ng anak mo. Pero siymepre naman BF/GF muna. Wag mo naman madaliin ‘to.
Ang pag-ibig kasi parang pelikula. Hindi siya ginawa para panoorin nang naka-fastforward. Ginawa siya para lasapin ng manonood ang bawat eskena. Ang bawat kilos ng bida, ang bawat luha ng magkasintahan, ang bawat sakit, tuwa, ligaya at pighati nilang dalawa. Pero sa lahat nang pinagdaanan nila, gigising pa rin sila bukas sa kama kapiling ang isa’t isa.