1280 x 1024
Eto ang aking New Year’s resolution. Hehehehe sorry tech pun. Cool ka na kung gets mo siya.
Eto ako. Kakagaling ko lang sa Hong Kong. Unang beses ko kasing pumunta sa ibang bansa. Malamang tuwang-tuwa ako. Raming intsik hehe. Iba talaga pag legit Chinese na. Legit na legit talaga. Ibang klase yung congee nila, ‘di parang sa Chow King na pinagandang lugaw lang na may ilang sahog. Yung nandon yung sabaw palang lasap na lasap mo na yung lasa niya. Pati street food nila. Isang galamay ng pusit nila isang buong pusit na natin hahaha
Sa kalagitnaan ng pagkain ko ng pusit doon ko naisip ang gusto kong gawin pagkatapos kong grumaduate ng college. Eto yung sinasabi sa amin ng moderator namin nung 3rd year ako. Sir Tejada kung binabasa mo ‘to maligayang pasko sa inyong pamilya hehe ingat po sana kayo diyan.
Pag kumakain ka ng pagkain galing sa ibang bansa, dapat ganon ka rin. When in Rome, eat cake nga raw. Kunyari na lang sikat yung cake sa Rome. Pag na sa Pilipinas ka magkamay ka, o kutsara’t tinidor. Sa sosyal at bonggang restaurant gumamit ka ng kutsilyo’t tinidor. Sa Hong Kong mag-chopsticks ka. ‘di ko lang gets kung bakit chopsticks siya eh wala ka namang chinachop.
Iba yung feeling eh. Iba yung nararanasan mo. Iba yung pa-chopsticks-chopsticks ka lang sa Tokyo Tokyo para magyabang ka na marunong ka sa kakain ka talaga sa authentic Chinese restaurant. Doon ko naramdaman na ang rami ko pang hindi nararanasan. Ang rami kong oportunidad na pinalipas. Ang rami sanang pwedeng nangyari, pero wala. Sinantabi ko kasi 1: Tinatamad ako o 2: Hindi ko trip. tinamad lang talaga ako.
New Year’s resolutions. Hindi ako naniniwala dito, pero sige nalang rin. Kasi gawin mo nalang siya sana kahit anong oras diba? Bakit mo pa kailangang maghintay ng New Year para magbago? Nagkataon lang nag Hong Kong ako bago mag-Bagong Taon eh.
Carpe Diem.
Seize the day.
Lupigin ang sandali.
Bawat oras ay mahalaga. Bawat sandali ay hindi mo nang mababalik. Marami akong hinayang sa taong 2011, pero bahala na. Bahala na talaga. Wala ka nang magagawa. Kung babalikan mo pa parati pano ka na makakaurong? Paano ka na makakarating sa Boss kung parati kang bumabalik sa Level 1?
Tanggapin mo nalang at kumilos ka. Wag kang umatras. Kaya mo yan.
Alam mo na kung anong dapat mo gawin. Hindi man kita kilala, alam mo yan. Kung may problema ka, maliban nalang kung pang-akademiko siya (pero malay mo rin), alam mo yung sagot. Alam mo yung solusyon.
Kaya eto ang aking resolution, na isabuhay ang aking buhay para bumuhay sa sarili ko. Wala nang hinayang. Abante lang nang abante. Ang punto ng pagbabago ay paggawa ng mga hindi mo ninanais, o hindi mo aakalaing gagawin mo. Sa 2011? Nagpakalbo ako. Kinonquer ko yung takot ko dito kasi natrauma ako nung bata ako na sobrang ginago ako ng mga kakalse ko. Kumanta ako, kahit mala-karaoke man ito. Naranasan ko na ring maging entrepreneur. Nalasing ako ng todo. Nanganak hedgehogs ko. Ang rami kong firsts sa taong ito, at sabik na sabik akong makita kung saan ako mapapadpad sa 2012.
Pagkatapos ko well uh. Magtapos, plano kong magpaka, alam niyo yon? Yung parang host sa Travel and Living Channel, o parang si Finn at Jake sa Adventure Time. Gusto kong lumakbay mula South America papuntang North, o kaya’t Africa papuntang Europe. Eto na marahil ang aking habol ngayon, ang aking ambisyon. Trabaho muna siguro ng onte, tas tsaka na ko aalis ng bansa.
Tulad ng sinabi ko, marami ka pang hindi alam. Limitado ang iyong kaalaman kapag hindi mo pa naisipang buksan ang mata at isipan mo sa libo-libong oportunidad at karanasang nakaabang lang sayo. Para bang resolution nga ng computer mo. Gawin mo nang 1280 x 1024 imbis na 800 x 600. Palawakin mo. Magbago ka. Sakupin mo.
Carpe diem vivere vestrum omni tempore.