Balarila

Mga sabi-sabi ng isang lalaking mukhang may maraming problema sa buhay. Ako rin ang may-ari sa tumblog na kunstrock at drtherapy.

Articles

Ang Pag-iral Ng Buhay Ayon Sa Isang Satellite

Pagtagal ng panahon masasawa ka rin sa kakatingin sa mundo. Nakikita mo ang lahat sa pangkalahatang perspektibo. Bawat kilos, bawat galaw, bawat kindat, at bawat kamot ay napapansin. Ito nga lang naman trabaho mo. Lumulutang ka lang sa himpapawid, malayo sa sibilisasyon.

Sige na nga, para kang si Lord, pero si Lord na bawal umimik. Bawal kang kumilos. Bawal kang rumeact sa kahit ano, kasi wala ka ring magagawa. ‘di kasi kaya ng powers mo kasi wala ka ring powers. Ito ang buhay mo. Ito ang kapalaran ng mga tulad mo.

Isa kang panandaan o tagahaligi ng impormasyon at kaalaman. Marami kang alam na hindi alam ng karamihan, at marami kang nakikita na hindi nakikita ng kung sinomang iba. Malamig kung saan ka nakatayo. Ninanais mo ang mainit na pagsalubong ng mga pinapanood mo sa planeta.

Ganito ang buhay. Pero paano kung sawa ka na. Ayaw mo nang palutang-lutang ka lang diyan. Walang pumapansin sayo. Pero kung alam lang nila kung ano yung alam mo, tangina.

Hindi mo na gusto yung nakikita mo. Mga nag-aaway, nagbabago, naghihiwahiwalay. Kung pwede lang pigilan mo sila. Bumagsak ka bigla sa bahay nila sa gitna ng mainit na pagtatalo. Sirain mo sana yung signal ng mga magkasintahang nag-aaway sa text. Pigilan mo sana ang paghihiwalay ng magkakaibigan. Pero hindi eh. Ganito ka. Ito ang trabaho mo. Isa kang satellite. Lahat tayo satellite.

Wala tayong hawak sa kanino man maliban sa sarili natin. Ito ang mundo natin. Ito ang pinaglulutangan natin, sa sarili nating orbit.

Pero ikaw na bahala don. Wala akong kontrol sayo. Wala ka ring kontrol sakin. Walang may hawak sa kahit ano. So ibig-sabihin wag nalang tayo gumawa ng kahit ano? Hindi naman. Hindi man masyadong developed ang aking pananampalataya, ayokong sayangin ang buhay ko. Magkaroon ka ng buhay na makabuluhan. Gumawa ka ng pagbabago. Mainlove ka. aj3j3j3

Isipin mo nalang buong buhay ka diyan. Lumultang. Gumagalaw ayon lang sa gravity. Kung ako sayo, papasabugin ko nalang sarili ko at mahuhulog, dun sana sa lupa. Gagawa ako ng malaking apoy, isang apoy na kakalat sa buong kagubatan. At mula sa apoy na ginawa ko aahon ang mga halaman at kung ano-anong hayop mula sa abo. At sa paghulog ko mula sa orbit ng aking tadhana ako’y gumawa ng sarili kong kapalaran at lumikha ng bagong umpisa para sa mga nilalang na wala namang kinalaman sa akin. At sa aking mga natamaan nag-iwan ako ng pabaon, at tuluyang mabubuhay ang kwento ng aking pagsabog, ang kwento ng satellite na naging imortal na phoenix.